PARA SA SUMULAT NG “BUWAN AT TALA”


Tumila na rin ang ulan. Ang pabugsu-bugsong patak nito sa aming bubungan ay unti-unting humihina, hanggang sa tuluyan na itong naglaho. Pilit ko mang iwaksi sa aking isipan ay lalo pang nagpupumilit sumiksik ang akdang nagdulot sa akin nitong mga pugtong mata. Makailang ulit ko iyong binasa. Sa una ay walang epekto ngunit habang tumatagal, nararamdaman ko na lamang ang pananagana ng luha sa aking mga mata. Nag-iwan iyon ng marka sa asul kong blusa na animo’y patak ng ulan.

Tulad niya, itinuring kong matalik na kaibigan ang buwan at mga bituin. Sa mga gabing ako’y nalulumbay, pilit na tinatakasan ang mga problema at pilit akong kumakawala sa realidad, andiyan sila, umaagapay sa akin. Sila ang aking takbuhan at sa piling nila wari ba’y naihihinga ko lahat ng aking mga dinadala. Ngunit ngayong tag-ulan, pilit mang sila’y tawagin ng aking damdamin, hindi nila naririnig ang palahaw ng pagal ko ng puso. Gayumpaman, naghihintay pa rin ako sa muli nilang pagsilip- ang mga bituin kasama ang buwan.

At sa lamig ng gabi, hinayaan kong iduyan ako ng masasayang alaala habang tinatangay ako ng gahiblang pag-asa na siya’y muling makapiling. Kahit ang lahat ay bahagi na lang ng nakaraan. Muling sumungaw sa aking mga labi ang ngiti ng makita ko ang isang lalaki- matangkad, medyo kulot ang buhok, may matatalim ngunit maaamong mata, higit sa lahat, ang nakatutunaw niyang mga ngiti. Mula sa malayo ay hindi iilang ulit ko siyang sinulyapan, at ang mga titig kong nagpapahiwatig ng pagtawag, humihingi ng pagkakataong kahit minsan lang ako’y kanyang sulyapan. Hindi naging madamot ang pagkakataon sapagkat binigyan niya ako ng kaunting pag-asa na ni sa hinagap ay hindi ko inakalang magbubunga ng masaya ngunit mapait na alaala…

Disyembre, taong 2006… iyon ang unang beses na nagkaroon ko ng lakas ng loob na magpakilala sa kanya. Nakakatuwa mang isipin ngunit iyon ay nagdulot sa akin ng labis na kaligayahan- ang makilala niya ako, kahit sa pangalan man lang at hindi bilang isa sa kanyang mga tagahanga. Ayaw ko mang sabihin sa kanya ngunit kaylanman ay hindi mapipigilan ang sigaw ng damdamin. Pilit mo man itong itago, ikulong sa iyong puso, ay magpupumilit itong makaalpas. Hindi nga nagtagal at nalaman niyang ako’y may pagtingin sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang naging reaksyon niya sa pagkakaalam sa katotohanang iyon na isang napakalaking bagay sa akin. Sa paglipas ng mga araw ay unti- unti akong namulat, ang pagkabisto niya sa katotohanang iyon ay nagdulot upang lumayo ang loob niya na sa totoong buhay ay hindi naman talaga naging malapit sa akin. Umiwas siya. Alam ko iyon. Samu’t- saring dahilan ang ibinabato niya sa akin upang hindi ako mulin sumunod sa mga yapak niya. Pakiramdam ko, isa akong aninong bubuntotbuntot sa kanya. At iyon ay labis na nakapagpalungkot sa akin. Ngunit kahit ganoon, hindi ako bumitiw, patuloy akong umasa, nanghahagilap ng kaunting pag-asa sa liwanag na dulot ng buwan at mga bituin.

Mayo, 2007… iyon ang ikalawang beses na muli akong kumatok sa puso niya. Mahaba- haba rin ang tinahak ko. Noon, naisip ko na ring sumuko ngunit napag-isip-isip ko, kung kailan nasa kalagitnaan na ako, saka ako hihinto. Hindi ako sumuko at hinigpitan ko pa ang paghawak sa hiblang iyon na ilang panahon na lang ang hinihintay ay bibigay na rin. At hindi naman ako nabigo. Isang buntong hininga ang inilabas ko bago ko nasabing “ sa wakas”… natutunan niya akong mahalin, sa wakas ay sinuklian na rin niya ang aking pagmamahal. Sa wakas ay nasa akin na ang lahat ng liwanag ng aking buwan, ang liwanag niyang sa aki’y nagbibigay pag- asa. Ang bawat araw ko’y puno ng masasayang sandali sa piling niya. Ang mga awitin ay lalong gumanda sa aking pandinig, wari’y isinasayaw ako patungo sa itaas, kasama ang mga diyamanteng isinaboy doon sa kalawakan. Pawang masasayang sandali. Hindi ko maaaring malimutan ang kaniya ng mga ngiti, higit sa lahat, kung paano niya pinasasaya ang aking puso. Parang ayoko nang harapin ang bukas na hindi siya kasama.

Mabilis na lumipas ang mga araw, ilang dahon na ng kaledaryo ang nalagas. Tatlong buwan na ang lumipas at sa di pa gaanong malinaw na dahilan ay biglang nagwakas ang lahat sa amin. Ang aking buwan ay nahulog at minahal ang tala. Anumang pilit kong labanan ang aking nararamdaman ay nangingibabaw pa rin ang pangungulila at panghihinayang sa aming simula na agad din naming natuldukan. Umaahon iyon mula sa aking dibdib at nagdudulot upang ang mumunting butil ng tubig ay umagos mula sa aking mga mata. Hindi iisa ngunit maraming- maraming ulit, sa pagdaan ng gabi kung saan ang buwan at mga bituin pa rin ang saksi. Ngunit kahit labis na sakit ang idinulot niya sa akin, kahit siya ang dahilan ng pagkadurog ng aking puso na hindi ko alam kung mabubuo pang muli, nais ko pa ring ipahatid ang tunay na nilalaman ng aking dibdib.

Kaylanma’y hindi ako nagtanim ng galit sa kanya dahil mahal ko siya. Masakit man para sa akin ang nangyari, pipilitin ko na kalimutan na lang ang lahat, hahayaan ko itong tangayin ng pag-agos ng luha patungo sa karimlang dati’y iyo ring kinasadlakan. Pipilitin kong maitago ng aking mga ngiti ang pigil kong hikbi.

At para sa iyo na sumulat ng “ buwan at tala”, labis akong nagpapasalamat dahil sa minsan sa buhay ko, minahal ako ng isang katulad mo. Sa ngayon, hayaan mo munang agawin ko ang atensyon ng kaibigan mong buwan at tala upang sa gayon ay hilumin din nila ang sugat at ang sakit na minsan mo ring naranasan. Marahil sa kanilang paglisan, matututuhan ko na ring harapin ang katotohanang hindi ka na magbabalik kaylanman.. dahil ikaw na aking buwan ay lilisan, kasama ang tala, doon sa kalawakan.

“Maari bang dinggin ang natatangi kong hiling
Sana ay makapiling ka, muli kang masilayan
At muli kang mahagkan. Sana ay di na iwan pang muli…”

Photography